PNP sinisi ng Senado sa EJK

ronald-bato-dela-rosa

Malaking pagkukulang at kapabayaan sa panig ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa bahagi ng ilalabas na committee report ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJK).

Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, na natapos na nila ang unang bahagi ng report at maaaring ngayon o bukas ay ilalabas na nila ang opisyal na report ng komite.

Sa isang ambush inter­view kahapon, sinabi ni Gordon na bahagi ng ­report ay ang nakita nilang malaking pagkukulang at kapabayaan sa panig ng PNP partikular ang mabagal o usad-pagong na imbestigasyon sa mga nagaganap na patayan.

Dahil dito, may mga rekomendasyon ang Senado para mas madali nang mapanagot o makasuhan ang mga pulis sa kanilang pagpapabaya.

“Meron talaga pagkukulang sa PNP, malaking pagkukulang. Tatamaan sila dyan. Gagawa kami ng recommendation para madali na silang kasuhan..maraming patayan na hindi nareresolba,” ayon pa kay Gordon.

Bukod dito, sinabi pa ni Gordon, lumilitaw na kapag isang pulis ang sangkot sa isang krimen ay hindi ito agad na naaaksiyunan.

Partikular na tinukoy dito ng senador ay ang ­Internal Affairs Service (IAS) ng PNP na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga pulis.

Dahil dito, ayon kay Gordon, irerekomenda niya sa ilalabas niyang report na palitan na ang maaa­ring magsagawa ng imbestigasyon pagdating sa mga police killings.