Inutos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa serbisyo kay Philippine Normal University (PNU) president Ester Ogena, at tatlo pang opisyal ng unibersidad dahil sa umano’y kuwestiyunableng $25,000 advertisement contract na pinasok sa isang international magazine.

Sa desisyon ng pinirmahan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, nakasaad na ang pagsibak kay Ogena ay matapos na napatunayan ng anti-graft court na guilty ito sa kasong grave misconduct.

Bukod kay Ogena, sinibak din ang dating vice president for finance and administration ng unibersidad na si Rebecca Espana, dating finance management director Joseph Luceno, at budget office head Florence Allejos.

Bukod sa pagsibak, kanselado rin ang kanilang eligibility, tanggal ang leave credits at retirement benefits at ‘di na makakapasok sa alinmang trabaho sa gobyerno.