Kung hindi gagastusan ng pamahalaan ang pagpapa-rehab sa mga adik ay walang pag-asang gumaling sa adiksyon ang mga can’t afford o mga pobreng durugista.
Kaya nananawagan si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa pamahalaan na paglaanan na sa 2017 national budget ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga sumusurender o nahuhuling drug user.
“Ang panawagan ko d’yan ang budget ilagay na nila. Bilyon dapat ang budget dyan, kasi mas malaki ang damage sa atin kung ang mga adik nandyan pa rin sa barangay,” paliwanag ng solon.
“Dapat magkaroon ng rehab, lagyan na ng budget ngayon. Maglagay na ng budget ngayon dahil tama ‘yun mamamatay ka talaga ng dilat ‘yung mga adik hindi na makaka-afford ‘yun ng rehab,” wika pa ni Batocabe.
Malaking pondo talaga umano ang dapat ibuhos sa rehabilitasyon ng mga adik.
“Ang pupuntahan lamang ng mga adik ay sementeryo at kulungan. Habang hinihihimay pa namin ang batas sa Kongreso, hinihikayat ko ang DBM (Department of Budget and Management), DOH (Department of Health), ilagay na nila ngayon sa budget na isusumite nila sa Kongreso ang gastos para sa rehabilitasyon, ilagay na muna natin sa mga hospital sa mga provincial hospital, public hospital ang pagpa-rehab sa mga adik na ito,” ani Batocabe.
Para naman kay Senator Vicente ‘Tito’ Sotto, upang masolusyunan ang problema sa dami ng mga sumusukong drug addict at mabigyan ng tsansa ang mga ito na sumailalim sa treatment at rehabilitasyon, pinasasalo nito sa PhilHealth ang gastos dito, na siyang laman ng muli niyang inihaing panukala.
“Sinulong ko na ‘yun dati last budget hearing. Dapat pinapaganap na ngayon ‘yan ng Philhealth at DOH. Dapat ipasok sa PhilHealth, sagutin ng PhilHealth ang rehabilitation,” ani Sotto.