Pocari nakauna

Kinalawit ng defending champion­ Pocari Sweat ang pahirapang 22-25, 25-22, 25-22, 26-24 panalo kontra BaliPure sa Game 1 ng Premier Volleyball League Reinforced Conference finals sa PhilSports Arena sa Pasig kagabi.

Pinapaypayan ng two-time champion Lady Warriors ang 20-14 bentahe sa set four, biglang nag-iba ang ihip ng hangin at pumabor sa preliminary topnotcher Water Defenders ang manibela 24-22.

Humataw ng 4-0 run ang Lady Warriors kasama ang panelyong ace ni setter Gyzelle Sy para tapusin ang laban at mamuro sa pagkopo ng pangatlong sunod na korona.

Bukod kina American reinforcement Michelle Strizak at star netter­ Myla Pablo, naging pangunahing armas ng Pocari Sweat ang replacement import na si Krystal Rivers.

Sablay muna sa umpisa matapos ang tatlong sunod na errors, bago lumabas ang tikas ni Rivers.

“Na-tense kami sa first set kasi first time makakalaro si Rivers,” ani Pocari Sweat coach Rommel Abella.

Kumana si Rivers ng 20 points kasama ang 17 kills, may 18 at 16 sina Strizak at Pablo.

Sa Martes ang Game 2, sakaling magkaroon ng Game 3 ay ilalaro sa Huwebes sa parehong venue.