Mga laro ngayon:
(PhilSports Arena)
4:00 p.m. — Pocari vs Air Force
6:00 p.m. — Customs vs Laoag
Matapos sakupin ang Open Conference, muling papalo ng bola ang Pocari Sweat sa Shakey’s V-League Reinforced Conference.
Makikilatis ang Lady Warriors pagsabak nila mamayang alas-kuwatro ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City kontra Philippine Air Force.
“Nasa isip namin na kami ang may dapat patunayan kaya kailangan doble kayod kami para mag champion ulit,” saad ni veteran Michelle Gumabao.
Hinugot ng Pocari Sweat ang dalawang American imports na sina Bre Mackie at Andrea Kacsits para makatuwang nina Gumabao, Open Conference Finals Most Valuable Player Myla Pablo at libero Melissa Gohing.
Nais naman bumangon ng Jet Spikers matapos silang lumuhod sa University of Sto. Tomas, 15-25, 25-20, 13-25, 21-25 noong Sabado.
Samantala, mag-aagawan sa pangalawang sunod na panalo ang Bureau of Customs at Laoag para saluhan ang nasa tuktok ng lideratong Tigresses.
Ipananargo ng Transformers ang pambato nilang si former three-time UAAP Most Valuable Player Alyssa Valdez na nagagamayan na ang mga bagong teammates.
Kinalos ng BOC ang University of the Philippines, 25-23, 25-18, 25-22 noong Lunes habang nanaig ang Power Smashers sa Philippine Coast Guard Lady Dolphins, 25-8, 25-15, 25-16 sa kanilang unang laro.
Ang power-hitting duo nina Jorelle Singh at Grethcel Soltones ang huhugutan ng lakas ng Laoag para makuha ang asam na panalo.