Bagama’t sinang-ayunan ni Senador Grace Poe ang desisyon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na patawan ng multa ang Uber kapalit ng pagpaiksi ng ipinataw nitong 30 araw na suspensyon, dismayado naman ito sa timing nang paglabas nito ng desisyon.

Naniniwala ang senadora na ang P190 milyon multang ipinataw ay sapat na upang mapag-isip at aral na rin sa Uber ukol sa ginawa nitong pagkakamali.

“Tanggap natin ang desisyon ng LTFRB na patawan ng multa ang Uber sa halip na ipatapos rito ang 30 araw na suspensyon.

Ang pagbabayad ng mul­tang 190 milyong piso bilang isang kondisyon bago ito makapagpatuloy ng ope­rasyon nito ay sapat na para mapaisip ang Uber sa mga naging aksyon nito at ma­balikan ang istratehiya nito ng pagsubok sa hangganan ng regulasyon ng pamahalaan,” ayon kay Poe.

Gayundin naman, suportado ng senadora ang P20 milyong tulong pinansiyal na ipinagkaloob ng Uber sa mga naapektuhang dri­vers nito.

Ngunit dismayado lamang si Poe sa timing ng paglabas ng desisyon ng LTFRB dahil ginawa ito hapon na ng Biyernes na kung saa’y wala ng oras ang Uber na bayaran ang kanilang multa dahilan upang maantala na naman ang pagbabalik ng operasyon.