Sinibak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng guwardiya at janitor sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) matapos matuklasan na kasabwat ang mga ito sa illegal recruitment.
Sa isang press conference, sinabi ni Labor Undersecretary Dominador Say na umaabot sa 40 guwardiya at janitor ang papalitan nila nang maging kasangkapan sa iligal na aktibidad sa POEA.
“Either ginagawa silang bagman or runner. Ito po ang napakasakit, dahil siyempre ‘yung ating mga security guards na dapat ay nagtatrabaho ay nagagamit ng ating mga tiwaling opisyal,” pag-amin ng opisyal.
Isinalang na rin sa masusing imbestigasyon ang mga opisyal ng POEA at kung napatunayang nagkasala ang mga opisyal na isinasangkot sa illegal recruitment ay sususpendihin ang mga ito sa kanilang tungkulin, babalasahin, o sisibakin sa kanilang mga trabaho at mahaharap pa sa kaso.
Sina Say at Usec. Bernard Olalia ay naatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magpatupad ng suspensyon at kanselasyon ng mga lisensiya ng mga nasangkot na recruitment agencies na hinihinala o kabahagi sa illegal recruitment.
Upang hindi na maulit ang paggamit sa mga janitor at security guards upang maghatid ng mga papeles sa mga kasangkapang opisyal, palalagyan ng DOLE ng CCTV cameras ang bawat tanggapan ng POEA.
Tinutumbok ng imbestigasyon ang mga opisyal na nakatoka sa pagproseso ng mga direct hire, balik-manggagawa at agency-hires.
Sinuspinde na ng kagawaran ang pagtanggap at pagproseso ng overseas employment certificate (OEC) sa loob ng 15 araw sapul noong Nobyembre 10 bunsod ng problema sa illegal recruitment.
Tinatayang 75,000 OFWs ang maaapektuhan sa suspensyon ng OEC kung kaya’t mamadaliin ng dalawa ang imbestigasyon sa iregularidad sa POEA upang pagsapit ng Disyembre 2 ay mapahintulutan na muli ang pagproseso ng OEC.