Magpapatupad na ngayon ng mas mahigpit na pagbabantay ang mga ahensya ng gobyerno sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na ma-regulate ang mga ito laban sa pagkuha ng mga illegal Chinese worker.
Inihayag kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isang inter-agency agreement ang kanilang lalagdaan para makagawa ng isang sistema sa ilalim ng mga umiiral na batas upang mapatawan ng kaukulang aksyon sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular (JMC).
Kabilang dito ang pagpapataw ng summary deportation sa mga dayuhang manggagawa na walang work permit o hindi nagbabayad ng buwis.
“Foreign workers employed in POGOs, particularly Chinese nationals, will be covered by this JMC,” sabi ni Guevarra.
Batay sa pagtataya, nasa 150,000 manggagawa ang nagtatrabaho sa 50 gaming firm sa bansa.
Kabilang sa mga pipirma sa JMC ang Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration (BI), Department of Labor and Employment (DOLE), Professional Regulation Commission (PRC), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Ayon kay Guevarra, hindi na kuwestiyon dito kung anong ahensya ng gobyerno ang may responsibilidad sa pag-iisyu ng special work permit (SWP) sa mga dayuhang manggagawa dahil ang kailangan nila ay higpitan ang pagpapatupad ng mga regulasyon.
Inamin din ni Guevarra na ang totoong problema ay kung papaano susubaybayan ang kilos ng bawat dayuhang manggagawa sa bansa kapag nag-expire na ang kanilang SWP mula sa BI o ang Alien Employment Permit (AEP) na inisyu ng DOLE.
Sa pamamagitan ng SWP ay pinapahintulutan ang mga foreign national na magtrabaho sa bansa sa loob ng tatlong buwan at maaari itong palawigin sa tatlong buwan pa. Para sa mas mahabang pananatili sa bansa na higit pa sa anim na buwan at para sa mga highly technical, specialized, supervisory, at managerial jobs na hindi kayang gawin ng mga Pilipino, ay kailangang kumuha ng AEP ang isang dayuhan mula sa DOLE. (PNA)