POGO magbubukas na uli sa katapusan

Kaagad na magbubukas ng kanilang operasyon ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa katapusan ng buwan sa sandaling alisin na ang Enhanced Community Quarantine(ECQ).

Sinabi ni Labor Undersecretary Dominique Tutay na inaasahan na magbubukas na ng kanilang regular na operasyon ang POGO kapag natapos na ang ECQ sa Luzon sa Abril 30.

“POGOs will continue as long they are allowed by law. We will just continue our initiative to regulate and ensure that these firms are compliant with labor and immigration laws as well as payment of taxes,” ayon kay Tutay.

Sinabi pa ni Tutay na kahit noong unang nagdeklara ng quarantine ,ang mga online casino na pinatatakbo ng mga Chineae national ay patuloy na pinatatakbo sa pamamagitan ng skeletal force.

Nag- pledge pa umano ito ng P150 milyon tulong sa gobyerno para sa COVID19 outbreak.

Sinabi ni Tutay na bina-validate nila ang data ng nasa 2,000 foreign nationals na nagtatrabaho sa POGO na walang kaukulang alien employment permits (AEP) na kalimitang paglabag ng mga POGO worker.

Noong Marso, sinabi ng DOLE na may 4,000 foreign national ang nagtatrabaho sa ilalim ng identical government-issued Tax Identification Numbers (TINs), na kailangan bago sila makapag -apply ng AEP.

Ang BIR umano ang nag isyu ng TIN at may kapangyarihan na magpasara ng mga POGO na hindi magbabayad ng buwis.

Nitong Marso sana nakatakdang resolbahin sa meeting ang mga isyu at iregularidad kinasasangkutan ng POGO pero naputol dahil sa ECQ.(Juliet de Loza-Cudia)