Kung dati ay pawang mga kliyente sa abroad ang hawak ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na naglipana sa Metro Manila at ilang karatig lugar, hindi na ngayon dahil pinasok na rin nito ang sabong na isa sa paboritong laro o sugal ng mga Pilipino.
Ito ang nadiskubre ng National Bureau of Investigation-Special Action Service Unit (NBI-SAU) makaraang salakayin ang Sabong Universe sa loob ng Fernando Coliseum sa Mabalacat, Pampanga alinsunod sa hiling ng Philippine Amusement and Gaming Corporation(Pagcor).
Ginaya sa offshore Chinese POGO ang Sabong Universe na pinapatakbo ng mga Pinoy kung saan mapapanood sa live stream sa ibang bansa ang labanan ng mga manok sa loob ng isang sabungan na kumpleto ng mga commentator at ang pustahan ay ginagawa online.
“This is the first time that a case against a Filipino owned POGO operation is filed,” ayon kay NBI Special Agent Joel Otic.
Ginawa ang pagsalakay bunsod ng reklamo ng Pagcor laban sa Sabong Universe na nag-o-operate bilang POGO na walang lisensya sa ahensya. Labinglimang empleyadong Pilipino ang nahuling nag-o-operate ng live sabong.
Kasama sa mga inaresto ang tumatayong cameraman, IT support team na siyang mga kumukuha ng taya online at ilang commentator ng sabong. Inirekomanda ng NBI ang pagsasampa ng kaso sa mga nahuli dahil sa paglabag sa Illegal Gambling at Cybercrime Act. (Nancy Carvajal)