Inupakan ni Senador Joel Villanueva ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na pag-aari ni Michael Yang dahil walang empleyadong Pilipino at puro Chinese national lamang ang kinukuha nito para magtrabaho sa kanyang kompanya.
Bukod sa Big Empire Technology, binanggit din ng senador ang dalawa pang Chinese POGO – Jin Ding Yuan at Great Empire Gaming – na pawang mga kababayan lamang nila ang empleyado.
“Hindi ho natin maintindihan bakit ganon. At the same time, ang ating pinakamalaking concern ay ‘yong hindi ito nakakalikha ng trabaho para sa ating mga kababayan. For example, itong tatlong kompanya na ito — Big Empire Technology, Jin Ding Yuan, tsaka itong Great Empire Gaming, 3,483; 3,226; 3,086 mga empleyado nila. Ilan ang empleyado na Pilipino? Zero,” sabi ni Villanueva.
“Wala ho silang empleyado na Pilipino, galing ho mismo sa Pagcor [Philippine Amusement and Gaming Corporation] ang datos na ito. Zero eh, wala hong napo-produce na trabaho. ‘Yong binanggit natin kahapon sa plenaryo ‘yong real estate bubble, hindi lang siya isyu na hindi makapasok ‘yong negosyante sa atin, ‘yong hindi makapag-create ng jobs,” dagdag ng senador.
Muling iginiit ni Villanueva na ipasara na lamang ang mga POGO dahil wala namang pakinabang dito ang mga Pilipino.
Bukod aniya sa hindi kumukuha ng mga Pinoy worker, hindi rin nagbabayad ng franchise tax ang mga POGO.
“Ang kanilang paniniwala, hindi kasi sila nag-o-operate daw dito, which is ridiculous. Why would they get the license of Pagcor? Tapos sasabihin nila hindi sila sakop ng pagbabayad ng franchise tax,” ani Villanueva. (Dindo Matining)