FEELING beauty queen si Pokwang nang rumampa sa stage ng CCP Main Theater bago nagsimula ang gala premiere ng Cinemalaya entry niya na Mercury is Mine.

Feel na feel ni Pokie ang pagkaway sa audience habang may hawak na bouquet of flowers.

Nagpasalamat ang kome­dyana na natupad ang pangarap niyang makagawa ng pelikula sa Cinemalaya, na nakasama pa sa cast ang American boyfriend niyang si Lee O’Brian na escort niya nu’ng gabing ‘yon.

May pa-flowers si Lee kay Pokie, na ikina-touch ng Kapamilya comedienne at sabi niya ay ang lakas maka-babae.

Crowdpleaser ang Mercury is Mine na malakas ang aliw factor kaya panay ang tawa ng soldout audience sa CCP.

Patok ang unlikely tandem nina Pokwang at Bret Jackson. In fairness ay ang ganda ng rapport nila sa big screen.

Mas may chemistry si Bret kay Pokie kesa kay Andi Eigenmann, na ex-girlfriend ni Bret at nakapareha nito sa nakakalukring na Viva movie na Your Place or Mine?

Swak na swak kay Pokwang ang role niyang si Carmen, ang may ari ng isang floptsinang ka­rinderya sa may paanan ng Mount Arayat sa Pampanga.

Nagkaroon ng mga kostumer si Carmen nang patirahin niya sa bahay niya at gawing waiter sa karinderya ang Kanong bagets na si Mercury (Bret) na basta na lang sumulpot sa isang maulang gabi.

Instant hit si Mercury sa mga dumadayo sa lugar na ‘yon at itsura siya ng tourist attraction na maraming nagpapapiktyur.

Bumagay kay Bret ang role ng 16-anyos na American boy, na walang pamilya at nakahanap ng mother figure sa karakter ni Pokwang.

Cute ang cooking lessons nila sa kusina na nagluluto sila ng palaka, bopis at iba pang Kapampangan dishes.

Hagalpak ang audience tuwing sinasabi ni Pokie ang linyang, “I fucking love it!” at tuwing may dayalog siya na may word na ‘fuck.’
Halos hindi umaarte si Pokie at natural na natural lang.

Okey ‘yung idea na hindi siya nagpakaseryoso sa unang sabak niya sa Cinemalaya at hindi inilayo sa pagkakomikera niya.

Wagi ang mga English at Taglish lines ni Pokie na diretso niya kung ibato.
Bet namin na hindi niya pinagnanasaan ang tisoy na bagets. Kahit sine-seduce na siya nito ay tumatanggi pa siya bilang 50-anyos na si Carmen at nanay na raw siya ni Mercury.

Cute & charming ang Fil-Am na si Bret, maliban sa eksenang OA ang pagwawala niya, na nakakairita ang dating.

May eksenang big­lang dinakma ni Bret ang isang boobey ni Pokie.

Isa ang Mercury is Mine sa matinong napanood namin sa Cinemalaya 2016.