Ni-relieve na rin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde kahapon ang Caloocan City Chief of Police sa tungkulin nito habang umuusad ang imbestigasyon sa pagkakapatay ng mga alagad ng batas kay Kian Loyd delos Santos.

Ayon kay Abayalde ay ‘administrative relieved’ sa kanyang pwesto si Police Senior Superintendent Chito Bersaluna upang mabigyang daan ang isi­nagawang pag-iimbestiga sa kaso ng 17-anyos­ at Grade 11 na si Kian nanapatay ng mga pulis noong Miyerkules.

Matatandaang nasa tatlo na ring pulis-Caloocan na kasama sa mga gumawa ng One Time Big Time Operation sa Barangay 160, Sta. Quiteria sa nasabing lungsod, kabilang ang kanilang station commander sa Caloocan City Police Community Precinct (PCP) VII ang nauna nang sinibak sa kani-kanilang pwesto.

Nilinaw naman ni Abayalde na ang adminis­trative relieve umanong ginawa kay Bersaluna ay para lamang sa patas na pagsasagawa ng imbestigasyon at hindi nanga­ngahulugan na sangkot na mismo ito sa nangyaring pagpatay kay Kian.

Dagdag pa nito ay tutulungan nila ang pamilya ng binatilyo kung magsasampa ang mga ito ng criminal cases laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian. Nakatakda umano silang makipag-ugnayan sa mga ito sa darating na Lunes.