Agad na sinibak sa pwesto ang hepe ng Maddela Police Station sa Quirino Province kasunod ng naganap na pagsalakay kamakalawa ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA).

Batay sa kautusan ni Regional Director Police Chief Supt. Eliseo Tam Rasco ng Police Regional Office Region 2, epektibo kahapon ay sibak na sa pwesto si Chief Insp. Jun Balisi.

Ito ay kasunod ng naganap na pagsalakay ng mga kasapi ng NPA sa himpilan ng pulisya na ikinasawi ng isang pulis na si PO2 Jerome Cardenas, ang court processing officer.

Inihayag ni Balisi na iginagalang niya at tinatanggap ang kautusan mula sa kanilang regional director.

Inamin din ng naturang hepe na wala siya sa kanilang himpilan nang maganap ang pagsalakay dahil nagkataon na umalis siya upang magtungo sa Quirino Police Provincial Office nang pumasok naman ang mga rebeldeng pangkat.

Isa sa pinagpipiliang papalit bilang hepe ng pulisya ay si Sr. Insp. Reynaldo Gonzales, ang platoon commander ng 1st Manuever Platoon ng Quirino Public Safety Company na nakahimpil sa Cabarrougis, Quirino.

One Response