Ibinalik na ng Philippine National Police (PNP) ang 15 police security escort ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino upang magbantay sa kanya matapos ang mga ulat na nakakatanggap ito ng mga death threat matapos ang pagtestimonya niya sa Senate hearing sa umano’y ‘ninja cops’.
Ayon kay PNP chief General Oscar Albayalde, maari rin umano niyang bigyan ng police security escort si dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong kung magre-request ito.
Sinabi ni Albayalde na inatasan niya ang regional director ng Central Luzon Police Regional Office na ibalik ang 15 pulis na nagsisilbing security personnel ni Aquino nitong weekend.
“I directed to temporarily bring back his (Aquino) police escorts because he said that he and his family are under threat,” pahayag ni Albayalde.
Matatandaang inalis ang mga police security escort ni Aquino matapos itong magtestimonya hinggil sa talamak na pag-recycle ng iligal na droga sa PNP.
Sinabi pa ni Aquino na tinawagan siya ni Albayalde noong 2017 at pinigil umano ang pag-dismiss sa 13 niyang mga tauhan dahil sa 2013 drug raid, si Albayalde ang noon ay provincial director ng Pampanga nang maganap umano ang pag-recycle ng iligal na droga kung saan aabot sa 200 kilo ng shabu ang nasabat ng pulisya subalit idineklara lang na 38 kilo ang kanilang nakuha.
Paliwanag naman ng pulisya, kaya umano inalis ang mga police security detail kay Aquino ay dahil sa pagbubukas ng Southeast Asean Games (SEAG) nitong Disyembre. (Edwin Balasa)