Naaresto ang isang babae matapos mabisto ang modus operandi nito na nagpapanggap na may koneksyon sa isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) para makapanloko ng mga pulis na natanggal na sa serbisyo na nais na mabalik sa serbisyo kapalit ng malaking halaga.
Bistado ang modus ng suspek na si Diane Mae Navarez, 29-anyos, residente ng no. 9411 Alejandro St., Brgy. Vitalez, Parañaque City nang mismong ang bibiktimahin nitong dating pulis na nais makabalik ng serbisyo na si Emmanuel Bugayon, 37-anyos ng Brgy. Mampulog, Bitas, Cabanatuan City ang nagtungo na sa tanggapan ni Police Deputy Director General Camilo Cascolan para i-follow up ang kanyang reinstatement.
Sa salaysay ni Bugayon nabuko lamang umano niya ang panloloko ni Navarez nang makausap niya nang personal si Cascolan.
Aniya, nagulat umano si Cascolan nang sabihin nitong nagbigay siya ng P80K sa suspek na nangakong tutulungan siya na makabalik sa serbisyo.
Aniya, napaniwala umano siya ng suspek na close ito at si Cascolan dahil may litrato ito na magkasama na nasa Facebook post ng suspek at sinabing magkasama ito sa Beta Sigma Fraternity, noong una umano ay P10,000 ang kanyang unang ibinayad at mas lalo itong nakumbinsi na maaayos ang kanyang papeles nang magpakita ang suspek ng mga text messages na diumano ay galing kay Cascolan na maayos na ang reinstatement hanggang sa umabot na sa P80K ang kanyang naibigay.
Nitong huli umano ay humihingi pa ang suspek ng P5,000 para sa Christmas Party diumano sa tanggapan ni Cascolan kaya dito na siya nagduda dahilan upang isuplong niya ang suspek.
Nabatid na minsang nakapasok sa tangapan ni Cascolan si Narvaez kasama ang grupo ng lady corps kaya nakapag-papicture ito, ito rin ang ginamit nito sa kanyang modus.