Todas ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) nang pagbabarilin ng ‘riding-in tandem’ habang sakay ng kanyang kotse at papauwi sa kanilang tahanan sa Quezon City, Martes nang gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Police Lieutenant Ernesto Mendoza, 52-anyos, may asawa, nakatalaga sa District Logistic Division (DLD) ng QCPD at nakatira sa Central Avenue cor. Visayas Alley, Brgy. New Era, QC.
Ang pananambang ay naganap alas-8:10 nang gabi (November 5) sa Malingap St., corner Mapagkawanggawa St,, Brgy. Teachers Village.
Ayon sa report, galing ang biktima sa kanyang duty sa Camp Karingal, Quezon City at papauwi na pero lingid sa kaniyang kaalaman ay inabangan siya ng mga suspek at agad niratrat ang sasakyan.
Ayon sa testigong si Luis Carlos, Brgy. ex-o ng Brgy. UP Village, nakita niyang paparating ang Hyundai Accent na may plakang DAD-5607 ng biktima nang salubungin ng riding-in tandem, dinikitan ang sasakyan saka sunod-sunod na pinaputukan.
Nang matiyak na patay na ang kanilang target ay mabilis nang tumakas ang mga salarin.
Nagtamo ang biktima ng maraming bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siya niyang agarang ikinasawi.
Nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ng 11 basyo ng hindi pa batid na kalibre ng baril at dalawang hindi pumutok na bala.
Bumuo na si QCPD Director, Police Col. Ronnie Montejo ng Special Investigation Task Group o Task Force Mendoza na siyang magsasagawa ng ‘extensive investigation’ sa kaso. (Dolly Cabreza)