Timbog sa entrapment operation ng Phili­ppine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang isang babaeng pulis na nireklamo ng pangingikil sa isang kapwa babae na dati nang ina­resto dahil sa illegal recruitment at estafa.

Base sa ulat ng PNP-CITF, kinilala ang inarestong policewoman na si SPO1 May Ann Malcontento, na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame.

Inaresto siya sa entrapment operation ng mga operatiba ng PNP-CITF sa loob ng isang convenience store sa Boni Avenue, Mandaluyong City dakong alas-5:40 nang hapon.

Nahuli umano sa akto si Malcontento matapos tanggapin ang hininging Louis Vuitton bag na nagkakahalaga ng P34,000, isang relo na halagang P2,999 at ang P50,000 cash na boodle money.

Isinagawa ang pag-aresto sa kanya matapos magreklamo ang isang Sonia Gaba na diumano’y tinatakot ni Malcontento sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone ng biktima.

Humihingi umano ng mga naturang item si Malcontento mula sa biktima kapalit ng hindi na pag-aresto sa kanya ng CIDG.

Nabatid na dati nang inaresto si Gaba dahil sa mga kasong illegal recruitment at estafa pero ibinasura ng korte ang mga asuntong isinampa laban sa kanya.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP-CITF si Malcontento. (PNA)