Nahaharap ngayon sa panibagong eskandalo ang Philippine National Police (PNP) dahil sa isang police trainer na nanggahasa ng dalagang pulis sa loob ng kanilang training center sa Puerto Princesa City, Palawan noong Lunes, Nobyembre 12.
Inaresto ang suspek na kinilalang si PO3 Jernie Languian Ramirez, 29-anyos, at nakatalaga bilang assistant instructor ng Maritime Trooper Court.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office 4-B (Mimaropa), inireklamo si Ramirez ng dalagang pulis na may ranggong PO1 at kasalukuyang sumasailalim sa Maritime Trooper Course.
Base sa reklamo ng biktima, naganap umano ang panggagahasa sa kanya noong Lunes sa pagitan ng alas-2:30 hanggang alas-tres ng hapon sa Joint Maritime Law Enforcement Training Center na matatagpuan sa Sitio Magarwak, Brgy. Santa Lourdes, Puerto Princesa City.
Naka-duty ang biktima at isa nitong kasama nang dumating si Ramirez at pinilit umano nitong isama ang dalagang pulis para mag-roving inspection sa paligid ng training center.
Pagtapat nila sa ladies’ comfort room ay itinulak umano ng suspek ang biktima papasok sa loob ng banyo at doon agad na hinalikan ang mga labi ng dalagang pulis. Pagkatapos ay puwersahang dinala sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng training center ang biktima at doon ginahasa.
Dakong alas-5:45 ng hapon ng araw na iyon ay agad nagsumbong ang biktima sa matataas na opisyal dahilan upang agad na inaresto ang suspek saka binitbit sa Puerto Princesa City Police Station.
Kinumpirma kahapon ni Chief Supt. Rodelio Jocson, hepe ng PNP Maritime Group, ang naturang pangyayari.
Ayon kay Jocson, agad namang umaksyon ang mga opisyal ng Maritime Group na nakatalaga sa training center upang ipakulong ang suspek na pulis at kapag napatunayang nagkasala ay sisibakin ito sa tungkulin.