Policewoman na nahulog sa service, pumanaw na

Patay na ang 29-anyos na policewoman makalipas ang siyam na araw na pagkaka-comatose nang mabagok ang kanyang ulo matapos mahulog sa kanilang service habang rumeresponde sa isang insidente sa Sta. Cruz, Maynila noong araw ng Pasko.

Nabatid na alas-nuwebe ng gabi noong Biyernes, Enero 3, nang tumigil ang paghinga ni Police Corporal Iccalyn B. Jimenez habang nakaratay sa Manila Doctors Hospital.

Si Jimenez na mi­yembro ng Manila Police District-Special Weapons and Tactics (MPD-SWAT) ay naratay sa nabanggit na ospital matapos ang siyam na araw makaraang mahulog sa back-to-back police vehicle sa pagresponde noong araw ng Pasko, dakong alas-kuwatro ng hapon sa panulukan ng United Nations Avenue at San Marcelino St., Ermita.

Kasama ni Jimenez ang grupo ng District Mobile Force at sakay ng back-to-back police vehicle na isang KIA Troop Carrier.

Napag-alaman na nagi­sing pa umano si Jimenez habang mara­ming medical apparatus na nakakabit sa kanya at nagsabi pa sa dalaw na “Gusto ko nang umuwi, nahihirapan na ko dito” pero hindi rin bumuti ang kondisyon nito. (Juliet de Loza-Cudia)