Policewoman na reresponde, nalaglag sa trak

Comatose pa rin ang isang policewoman ng Special Weapon and Tactics (SWAT) matapos mahulog sa sasakyan habang binabaybay ang San Marcelino Street sa Ermita, Maynila nitong Pasko, Disyembre 25.

Inoobserbahan pa rin sa Manila Doctors Hospital ang biktimang si PCpl. Iccalynn Jimenez, miyembro ng MPD-SWAT.

Sa ulat, alas-4:06 ng hapon nitong Disyembre 25 nang maganap ang insidente sa panulukan ng United Nations Avenue at San Marcelino St., Ermita, Maynila.

Nakatanggap umano ng ulat ang pulisya mula sa RDC-base galing sa tanggapan ni Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, Station Commander ng MPD-Sta. Cruz Police Station 3 hinggil sa police operation sa Sta. Cruz area kaya nakipag-ugnayan ang District Mobile Force Batallion sa SWAT at sa pangunguna ni Police Lt. Raul Baldomar, agad silang rumesponde patungo sa Sta. Cruz Station 3 lulan ng KIA Troop Carrier (SAA-5523).

Pagsapit sa naturang lugar, dito na nahulog si PCpl. Jimenez at tumama ang ulo nito sa konkretong kalsada.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na insidente. (Juliet de Loza-Cudia)