Kumilos na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para lapatan ng karampatang solusyon ang dinaranas na matinding trapiko sa Metro Manila.

Katuwang ang Metro Manila Council (MMC) ay naglatag ng ilang hakbangin ang MMDA para kahit papaano ay lumuwag ang daloy ng trapiko ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.

Ilan sa mga inirekomendang solusyon ng MMDA ay ang pagtanggal ng window hour ng number coding sa ilang bahagi ng Metro Manila partikular sa Edsa at C5.

Kasama rin ang pagbabawal na mag-sale tuwing weekdays ang mga malls at ang paglilipat ng oras ng pagbubukas at pagsasara ng malls.

Pero isa sa inaantabayanan kong resulta ng inilatag na solusyon sa problema sa trapiko ng MMDA ay ang pagbabawal sa mga public service providers kagaya ng Maynilad, Manila Water at mga telcos na maghukay sa mga pangunahing kalsada na nakakadagdag sa problema sa trapiko.

Alinsunod sa kautusan ng MMDA, simula sa Nobyembre hanggang Enero ay bawal nang maghukay ang mga nabanggit na public service providers sa mga pangunahing lugar.

Kaya ang hangad natin ay istrikto itong maipatupad para naman maramdaman ang pagpupursigeng ginagawa ng MMDA na maresolba ang problema natin sa trapiko.

Sayang naman ang effort ng MMDA na lahat na yata ng solusyon ay inilulutang para mapagaan ang daloy ng trapiko at maibsan ang matinding konsumisyong dinaranas araw-araw ng ating mga kababayang commuters at mga motorista.

Kasabay ng direktibang ito ng MMDA, baka naman puwede ring manawagan na bago sana tuluyang itigil ng mga public service providers ang pagbubungkal ay ibalik naman nila sa ayos ang mga kalsadang kanilang winasak na akala mo ay binagsakan ng bomba dahil sa pagiging baku-bako.

Sana ay mabigyang-pansin ng MMDA ang ating apelang ito para na rin sa kapakanan ng mga motoristang napeperwisyo na sa masikip na daloy ng trapiko ay halos mawasak na rin ang mga sasakyan dahil sa sira-sirang kalsadang dinadaanan na epekto ng paghuhukay ng Maynilad at iba pang public service providers.