Politiko balik casino, sabong

Matapos ang ilang taon na pagti­timpi, muling nangati ang kamay ng kilalang politiko sa bansa at bu­malik sa bisyong pagsusugal sa casino at sabong.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng Tonite, kapag pumapasyal sa abroad ang politiko, hindi nawawala sa kanyang iskedyul ang pagtatapon ng pera sa casino.

Hindi na niya kailangang tumungo sa casino room dahil sa dinadala na ang mesa sa kanyang kuwarto para maglaro.

Ito umano ang dahilan kung bakit ­hindi nakikita sa casino room ang politiko kapag naka-check in sa mga bonggang hotel sa abroad.

Bukod sa pagka-casino, bumalik din ang bisyo nito sa pagsasabong. Katuna­yan, marami daw itong inaalagaan na sasabunging manok sa kanilang probinsya.

May basbas naman daw ni kumander ang pagka-casino at pagsasabong ng politiko.

Ang mahalaga sa misis ng politiko ay hindi nambababae ang kanyang mister. Okay lang daw na manok ang hinihimas ni mister kaysa ang legs ng ibang babae.

Dahil sa malaking pera ang tinatapon ng politiko sa pagsusugal, kinakailangan nitong mabawi ang nawalang pera.

Isa umano ito sa dahilan, ayon sa source, kung bakit kinakasa nito ang isang malaking event na mag-aakyat sa kanya ng malaking pera.

Balak din kasi ng politiko na tumakbo sa 2022 elections, hindi bilang presidente ng bansa kundi bise-presidente.

Ang politiko ay lapitin ng mga ­kapus-palad at kilalang dikit sa administrasyong Duterte.