Pinaiimbestigahan ng mga residente ng San Pascual, Batangas sa Commission on Elections (Comelec) ang umano’y panghihimasok at pangingialam ng isang mambabatas sa kampanya sa 2018 Barangay at SK Elections.

Umarangkada ang kampanya para halalan. Sampung araw ang kampanya. Pero sa Bayan ng San Pascual, umiikot ngayon ang isang papel na pirmado umano ng isang congressman na nag-eendorso ng kandidato na kanya umanong makakatulong sa paglilingkod bayan.

Sa liham na pirmado umano ng isang Batangas congressman, hinihingi nito ang suporta ng mga residente ng Brgy. Alalum, na iboto si Ignacio “Jake” Panopio bilang Kapitan ng barangay.

“Tabing galang po sa inyong karapatang mamumuno sa inyong barangay, bilang inyong Congressman ay tas noon a aking iniindoso ang kandidatura ni Ignacio ‘Jake Panopio’ bilang Barangay Captain ng Barangay Alalum,” nakasaad sa umano’y liham.

Naunang nagbabala ang Comelec sa mga mambabatas na huwag makialam sa Barangay at SK elections.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC) na hindi dapat nanghihimasok ang mga mambabatas.

Pinaalalahanan ni Jimenez ang mga politiko at kandidato na panatilihing non-partisan ang halalan ngayong buwan.
“Politicians, those with political parties and without, should stay away from the barangay elections. I mean, the temptation is great to say, this is why I want to be barangay captain, ganyan, ganyan, but please stay away from the barangay elections,” sinabi ni Jimenez.

Pinasinungalingan naman ng kampo ng kinakaladkad na solon na si Rep. Raneo Abu ang kumakalat na papel at sinabing gawa-gawa lang ito ng mga kalaban sa politika.

Hinamon rin ng kampo ni Panopio ang mga umano’y naninira sa kanyang kandidatura na magpakita ng ebidensya na nakikipagkutsabahan siya, kung wala ay manahimik na lang at mangampanya nang patas.