Dear Abante Tonite:
Nabasa ko po ang balita sa inyong pahayagan tungkol sa mga isda na naglutangan sa Las Piñas at Parañaque. Nalulungkot ako dahil polusyon daw ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Kung kailan pinagsisikapan ng pamahalaan na malinis ang Manila Bay ay nangyari naman ito.
Lumalabas daw kasi sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na mababa ang level ng oxygen sa bahaging iyon ng karagatan at mataas naman ang level ng ammonia at phosphate. Lumabas pa sa pagsusuri sa mga nakuhang sample ng ammonia na galing ito sa agricultural, domestic, at industrial waste.
Sa madaling salita ay kontaminado ang dagat. Nalason ang mga isda at nangamatay.
Patunay ito na napakalaking hamon ang paglilinis sa Manila Bay. Hindi sapat na pamahalaan lang ang kumikilos. Kailangan tumulong ang publiko sa pagsusumbong sa mga awtoridad ng mga nagtatapon ng agricultural, domestic, at industrial waste sa dagat.
Hindi sa lahat ng pagkakataon mababantayan ng mga awtoridad ang lahat ng bahagi ng mga karagatan sa ating bansa. Pero ang mga taong naninirahan dito ay siguradong nakikita at alam kung sino ang mga nagtatapon ng mga nakalalasong kemikal sa dagat. Kusang loob sana nilang isumbong ang mga ito para matigil na ang pagkakalat ng polusyon sa karagatan.
Mark ng Las Piñas City