May sapat na pondo ang gobyerno para tustusan ang ginagawang aksiyon ng Inter-Agency Task Force on Emer­ging ­Infectious Diseases laban sa pagkalat ng coronavirus ­disease 2019 o COVID-19.

Ito ang tiniyak ni Pre­sidential Spokesman Salvador ­Panelo sa harap ng panibagong development sa pagtutok ng task force sa pangu­nguna ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 kung saan mayroon nang naitalang local transmission.

Sinabi ni Panelo na mayroon pang pondo ang gobyerno na magagamit para hara­pin ang hamong dulot ng ­COVID-19 sa bansa.

Wala pa naman aniyang nababanggit sa ngayon si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na kinakapos sa pondo para sa ­COVID-19, at kung mangyari ito ay tiyak na maglalaan ito ng dagdag na pondo.

“I think we have enough funds otherwise the President would have said that we need to get some more funds,” ani Panelo.

Hindi lamang aniya sa ­COVID-19 nakatutok ang gobyerno kundi sa mga naging biktima ng nakalipas na kalamidad gaya ng Taal volcano eruption at ang magkakasunod na lindol sa Mindanao.

Sinabi ni Panelo na mayroong ipinapatupad na mga protocol at lahat ng ahensiya ng gobyerno ay tumutugon at kumikilos batay sa pangangailangan.
“We have already protocols on that. All the agencies have been responding and have responded to the events,” dagdag ni Panelo. (Aileen Taliping)