Dalawang home games ang parating sa Pilipinas sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Una ang kontra Kazakhstan sa Nob. 30, bago ang laban sa Iran sa Dis. 3 – parehong sa MOA Arena.

Nilamog ng Filipinos ang Kazakhs, 96-59, sa opening game nila ng 2018 Asian Games sa Jakarta noong Agosto, pero mas malamang ay ibang komposisyon ng team din ang isasabak ng Steppe Wolves sa FIBA window.

Si coach Yeng Guiao din ang humawak sa ­Nationals sa Asiad.

Pinakamaangas sa Kazakhs si Anton Ponomarev. Wala ang 6-foot-9 forward sa Indonesia Asiad, pero nag-a-average siya ng 19.5 points, 7 rebounds at 2 assists sa huling FIBA window. Epek­tibong 47.1 percent clip siya sa 3-point range.

Isa pang nasa hot streak si Alexander Zhigulin, ang 6-foot-9 center na may tira din sa labas.

Sa isang laro para sa BC Astana sa VTB United League sa Russia, nagsalpak ng limang 3-pointers si Zhigulin sa panalo kontra VEF Riga.