Pons umararo ng back-to-back POW

Isa sa misyon ni Bernadeth Pons ang bitbitin ang Far Eastern University (FEU) sa titulo kaya naman patuloy itong nagpapakitang-gilas sa kanyang final playing year.

Malaking tulong si Pons sa pagpasok ng Lady Tamaraws sa Final Four sa Season 80 University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament.

At gaya ng kanyang pangako, isinampa ni Pons ang Lady Tams sa No. 2 spot at siluhin ang twice-to-beat incentive sa semifinals.

Kaya naman nakalawit ni Pons ang pangalawang sunod na UAAP Press Corps Player of the Week.

Nagdeliber ang 21-year old spiker mula Negros Occidental sa last two matches upang tulungan ang FEU na ilista ang 10-4 win-loss record.

Kumana si Pons ng 13 points kasama ang 13 digs sa kanilang panalo kontra University of the East, 25-17, 25-15, 25-20 noong Miyerkoles.

Nagtala si Pons ng 17 markers nang talunin naman nila ang National University, 25-21, 25-22, 16-25, 25-20, noong Linggo sa Mall of Asia Arena.

“Masaya kami na natapos namin yung second round na naipanalo namin ang last three games namin,” ani vete­ran Pons. “Ang pressure palagi namang nand’yan, palagi naman naming nire-remind ang bawat isa na hindi namin siya dapat i-take as pressure, kasi lalo lang kaming mawawala sa kung ano ang dapat naming gawin.”

Inungusan ni Pons sa nasabing citation sina De La Salle spikers Kianna Dy at Michelle Cobb, graduating players My­lene Paat at Jema Galanza ng Adamson University at Tots Carlos ng University of the Philippines.