Popovich ‘takot’ sa karakas ni James

‘Scared to death’ daw si San Antonio Spurs coach Gregg Popovich sa naglalakihang billboards ni LeBron James na nagkalat sa downtown Los Angeles.

Mula nang lumipat sa Lakers noong July, nagsulputan na ang posters, murals at higanteng billboards ni LeBron, sa sobrang laki ay iisipin mong gusto kang lamunin.

Habang lumalapit ang pagbubukas ng NBA regular season, dumarami ang nagkalat na imahe ni James, nagiging dahilan ng intimidasyon ng mga dayo sa LA.

Ang mga building o pader sa labas ng Staples Center, nabalot ng Nike LeBron James at Lakers billboards.
Meron pang isang buong building ng billboard niya ng Beats by Dre. Naging official NBA headphone partner ang Beats ngayong season.

Ang higanteng Beats billboard ang kinatakutan ni Popovich. Ang kuwarto niya sa tinuluyang hotel, katapat lang ng billboard.

“It was horrifying to see LeBron’s face outside my hotel room,” pahayag ni Popovich, ayon kay Ben Golliver ng Sports Illustrated. “It was a big picture of him. Last night and all day today I gotta look at this guy putting his headphones on. He’s already big, but he’s monstrous. I was scared to death. I was scared to look out my window.”
Sa court noong Lunes, hindi nabahag ang Spurs kay LeBron. Tinalo ng San Antonio ang Lakers 143-142 sa overtime.