Gaya ng kasabihan na ang gusto ng hari ay ‘di mababali, parang three point shot na swak sa banga ang hiniling ni Pangulong Digong Duterte sa Kongreso na mapahaba hanggang sa katapusan ng taong 2017 ang kanyang Martial Law o Batas Militar na idineklara sa Mindanao.
Dahil bonggang-bongga ang popularidad ng pangulo, bonggang-bongga rin ang suportang nakuha niya sa dalawang kapulungan ng Kongreso-ang Kamara de Representantes at Senado-na magkasamang nagsagawa ng sesyon upang pagbotohan ang resolusyon na pahabain hanggang Disyembre 31, 2017 ang Martial Law sa Mindanao.
Sa resulta ng botohan na 261 ang pabor sa martial extension at 18 lang ang tumutol, makikita kung gaano kalakas ang impluwensiya ng pangulo sa Kongreso.
Katunayan, kung dati-rati ay pahirapan sa Malacañang na ligawan ang mga senador, sa nangyaring botohan sa Martial Law na apat lang ang tumutol, makikita na mapagbigay sila ngayon sa popular na pangulo.
Kung maaalala natin, ito ang panibagong pagkakataon na magpulong at bumoto nang magkasama ang mga kongresista at senador. Dating sabay na nagpulong ang dalawang kapulungan ng Kongreso noong 2009 sa ilalim ng administrasyong Gloria Arroyo pero iba ang sitwasyon noon.
Nagpulong ang dalawang Kongreso dahil din sa pagdeklara ng Martial Law ni Arroyo sa Maguindanao kasunod ng Maguindanao massacre. Pero kaagad din niyang inalis ito pagkaraan ng ilang araw bago magbotohan ang mga mambabatas ang naturang Batas Militar.
Nang panahon na iyon, sadsad sa putik ang popularidad ni Arroyo at ang basehan ng pagdedeklara ng martial ay hindi kasing-tindi ng nangyayari ngayon sa Marawi.
Bukod doon, matatapos na ang termino ni Arroyo at may nakatakdang eleksyon sa Mayo ng 2010. Kaya hindi kataka-taka kung hindi sumama sa papalubog na bangka ang mga wais na politiko.
Pero sa sitwasyon ngayon, bukod sa mistulang blockbuster movie ang popularidad ni Duterte, may limang taon pa siya sa Palasyo. Lumitaw din sa mga survey na mayorya sa mga tinanong ang pabor sa Martial Law sa Mindanao.
At tanong na nga lang ngayon, saan kaya pabor ang mga Pinoy—sa limang buwan na extension o sa dalawang buwan lamang?
At sa harap ng agam-agam ng mga tutol sa mas matagal na Batas Militar, o maging sa mga naniniwala na hindi dapat sa buong Mindanao ipatupad ang Batas Militar, dapat ipakita ng pamunuan ng Sandatahang Lakas na hindi sila aabuso at hindi sasayangin ang tiwala at suporta ng mga mamamayan na dapat nilang protektahan.
At habang inaasahan natin na magkakaroon ng mga petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang extension ng Martial Law, dapat maging mapagmatyag ang lahat sa mga susunod na mangyayari, pati na sa kung ano pa ang maaaring ibigay ng Kongreso para sa Palasyo.
Katulad na lang ng posibleng pagpapalit sa sistema ng gobyerno—ang pederalismo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)