‘Pork barrel’ inaabuso ng ganid na politiko

Break a leg by Benjie Alejandro

Nakapanglulumo ang nadiskubre ni Senador Panfilo Lacson, 2 mi­yembro ng Kamara ang nakapagsingit ng bil­yong pisong ‘pork barrel’ sa 2019 National Budget.

Nakapanghihinang malaman na kahit sinabi na ng Korte Suprema na labag sa batas ang ‘pork barrel’ nakuha pa rin ng 2 miyembro ng Kamara na paikutan ang desisyon ng Mataas na Hukuman.

Sa Kamara ang bawat District Representative at kinatawan ng ‘party-list’ ay may nakalaang P 60 milyon kada taon labas pa ang buwanang suweldo at kita sa mga ‘committee membership.’

Tatlong taon ang termino ng isang Cong­ressman na maaring tumagal ng 9 taon, sa loob ng panahong ito tumataginting na P 540 milyon ang pasok kay Congressman.

Ang Senador, ma­liban sa buwanang sahod at galing sa mga komite na ito’y mi­yembro ay mayroong nakalaang ‘pork’ – kung hindi nabago – na P200 milyon mula sa National Budget.

Anim na taon ang termino ng isang senador at maaring ihalal muli. Ang Senador na nakatapos ng 2 termino o labindalawang taon sa puwesto kung kinuha lahat ang PDAF ay humahakot ng halos P 2 bilyon.

Ang pigurang ito ay para sa isang Congressman at Senador lamang. Mahigit 200 ang miyembro ng Kamara at mayroong 24 na Senador ang Republika ng Pilipinas. (Natatangi si Sen Lacson, isinusuka ang ‘pork barrel’).

Katwiran ng mga miyembro ng Kamara hindi nila nahahawakan ng direkta ang pera mula sa PDAF o Priority Assistance Development Fund.

Pero ang totoo may kontrol at impluwensiya si Congressman sa mga proyekto sa kanyang distrito mula sa livelihood, day care center at lalong-lalo na sa mga pagawaing bayan.

Kung walang basbas si Cong. kahit anong gawin, ang proyekto matetengga lang.

***

Hindi nakapagtataka na ang mga tinatawag na ‘political family’ sa bansa ay basta na lamang bababa sa puwesto. Malaking pera ang mawawala sa kanila.

Sa ngalan ng serbis­yo publiko gagawa ng dahilan manatili lamang sa puwesto.

Malaking negosyo ang politika kaya naman ang angkan ng mga politiko lalo na ang mga patapos na ang termino ay hindi papayag na mapunta isa iba ang trono.
Kung hindi naka­puwesto ang asawa, ang ipapalit ay anak kahit isinusuka ng tao.

***

Masyadong naaubuso ang ‘pork barrel system.’ Sagka ito sa pag-unlad ng bansa at mga tao. Ang malungkot, ang perang ito ay galing sa buwis ng mga tao, na hinaha­yaan lamang mapag­laruan ng mga ganid na politiko.