Pork ‘di lulusot kay Cayetano — Castro

Iginiit ni Capiz Congressman Fredenil Castro na makakatiyak ang publiko na sa ilalim ni Spea­ker Alan Peter Cayetano ay walang makakalusot na pork o illegal insertion sa national budget.

Kasabay nito ay nanawagan ang solon kay Sen. Panfilo Lacson na humingi ng paumanhin sa buong institusyon ng Kamara at sa mga mambabatas dahil sa walang basehang paratang na may mga dagdag na pondo diumano ang nakalakip sa proposed 2020 national budget para raw sa mga de­puty speaker at iba pang kongresista.

“Tulad ng nauna ko nang nasabi, hindi tayo mga batang musmos dito sa Kongreso na basta na lang magtuturo at magbibintang ng walang basehan. Ang unang pinakamarangal na gawin ni Senador Ping Lacson ngayong nakita naman nating walang katotohanan ang kanyang mga sinasabi ay magpaumanhin sa mga mambabatas na miyembro ng institusyon ng House of Representatives,” ani Castro.

Sinabi ito ni Castro matapos biglang baligtarin ni Lacson ang kanyang mga pahayag at sinabing sa halip na mabigyan ng mga dagdag na pondo ang bawat deputy speaker at iba pang mga kongresista, hindi na raw ito itinuloy.