‘Pork’ sa 4T budget hihimayin ni Duterte

Ikinatuwa ng Malacañang ang mabilis na pag-apruba ng Senado sa 2020 nationa­l budget na nagkakahalaga ng P4.1 trilyon at tiniyak na hihimayin itong mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag isinumite na sa kanyang tanggapan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ‘welcome development’ ito sa Malacañang dahil ang 2020 national budget ang magpopondo sa mga nakalinyang proyekto at programa ng administrasyon sa susunod na taon na magpapalakas sa pamumuhunan sa aspeto ng mga pangunahing imprastraktura sa bansa.

Ito rin aniya ang makatutulong para mapabilis ang implementasyon ng mga progra­mang pangmahihirap at makadagdag sa trabaho para sa mga Pilipino.

Kasabay nito, tiniyak ni Panelo sa publiko na masusing hihimayin ng Pangulo ang mga probisyon ng 2020 national budget sa sandaling makarating ito sa kanyang tanggapan at hindi papayagang may mga nakasingit na hindi maipaliwanag na pondo.

Inaprubahan ng Senado nitong Miyerkoles ang 2020 national budget sa ikatlo at huling pagbasa. 22 senador ang bomoto pabor sa panukalang budget, walang abstention at walang negative vote.

Iaakyat na ito sa bicameral conference committee para pagsamahin ang bersyon ng dala­wang kapulungan ng Kongreso sa budget bill.

Umaasa naman ang Malacañang na magkakasundo ang mga mambabatas sa sandaling isalang na sa bicam ang budget at hindi magkakaroon ng aberya na katulad ng nangyari sa 2019 national budget. (Aileen Taliping/Prince Golez/Dindo Mati­ning)