Upang hindi na maulit ang pangyayari noong nakaraang taon kung saan tinapyasan ng mga kongresista ang calamity fund upang maging bahagi ng kanilang pork barrel fund, tiniyak ni Sen. Panfilo Lacson na mahigpit niyang babantayan ang pork barrel fund sa panukalang P3.77 bilyong national budget para sa taong 2018.
Ginawa ni Lacson ang pangakong ito dahil sa nakapanlulumong pangyayari noong nakaraang taon, kung saan P15 bilyong halaga ng calamity fund ang tinanggal ng ilang kongresista upang maging bahagi ng kanilang pork barrel.
Dahil sa dinagit na pondo ng calamity fund, hirap tuloy ngayon ang administrasyon sa pondo matapos na pumutok ang krisis sa Marawi City kung saan daan-daang libong katao ang apektado ng kaguluhan.
“…from P37 billion na pondo ng calamity fund binawasan ng P15 billion. Kaya P22 billion naiwan, pero substantial ang tinanggal. At ginawa ito sa bicam. Nang makita namin ang laki ng bawas sa calamity fund. E katakut-takot ang calamity natin. So ‘di ko alam ngayon paano popondohan ang kalamidad pati Marawi. Tinapyasan kasi ang calamity fund eh,” paglalahad ni Lacson.
“‘Yan ang kailangan bantayan uli ngayon. ‘Wag natin bawasan ang ahensyang nangangailangan ng pondo,” diin pa ng senador sa isang radio interview.
Noong nakaraang taon, aniya, may kongresistang nakakuha ng P6 bilyong halaga ng pork barrel fund habang ang isa naman ay P5 bilyon.
Tinatawag itong pork barrel fund dahil ang mambabatas ang may kapangyarihan na magturo kung saang proyekto gagamitin ang pondo. Kalimitang nabibigyan ng porsyento o kickback ang mambabatas na may-ari ng pork barrel fund.
“Noong panahon ni PGMA mga contractor kina-categorize na congressmen mabait ‘pag 20% ang hinihingi. At mabait kung sumusunod sa commitment. Ibig sabihin, kung anong pinag-usapan ‘yan ang susunod. Mabait ‘yan sa kanilang libro. Ang ‘di mabait pumapalo ng 30-40 ‘di na mabait ‘yan. ‘Yan na ba kalakaran ngayon mabait ang 20%,” kuwento ni Lacson.