Porter tinodas ng kapitbahay

Nagwakas sa madugong trahedya ang masa­yang tagayan ng dalawang grupong nag-iinuman sa Barangay Old Balara, Quezon City makaraang magparinigan at kantiyawan hanggang nagkapikunan na humantong sa pagkamatay ng isang porter na sinaksak ng lasing din na kapitbahay, Sabado ng hapon.

Kinilala ni PSSg. Bienvenido Ribaya III ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima na si Manuel Robedizo, 39.

Arestado naman ang suspek na si Florentino Josol alyas ‘Tino’, 39, na nahaharap ngayon sa kasong murder.

Sa pag-iimbestiga ni Ribaya, bandang alas-3:50 ng hapon parehong may kainuman sina Josol at Robedizo sa harap ng kani-kanilang bahay.

Makalipas ang ilang oras ay nagkaroon ng kantiyawan at parinigan ang magkabilang umpukan ng inuman hanggang sa magtalo ang biktima at suspek.
Pumasok sa kanilang bahay ang suspek pero nang lumabas ay armado na ito ng kutsilyo at sinugod ang biktima saka inundayan ng saksak.

Nasawi ang biktima sanhi ng malalim na saksak sa tiyan matapos isugod sa Diliman Doctors Hospital bandang alas-5:41 ng hapon, ayon kay Dr. Michael Ramoson. (Dolly Cabreza)