Upang mapabilis ang pagpapatibay ng panukala sa pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ngayong Oktubre, tatanggapin na lamang ng Kamara ang aaprubahang panukala ng Senado.

Isiniwalat kahapon ni Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara sa deliberasyon ng committee report No. 1 na nakausap niya si House Majority Leader Rodolfo Fariñas at napagkasunduan na para hindi na dumaan sa bicameral conference meeting ang panukala ay ia-adopt na lang ng Kamara ang aaprubahang bersyon ng Senado.

“They might just adopt the Senate bill,” sagot ni Angara.

Sa sponsorship speech ni Angara, nagbigay ito ng tatlong dahilan kung bakit kinakailangang ilipat ang barangay at SK elections sa Oktubre 2017.

Unang rason nito ay para ma­pahintulutan ang full implementation ng SK Reform Act o RA 10742 na nitong Agosto lamang ipi­nalabas ang implemen­ting rules and regulations (IRR); may “election fatigue” pa umano ang bansa dahil sa katatapos na May elections; at ang pang­huli ay dahil sa “opportunity costs and delays”.

“Pushing through with the barangay polls this year could also break the momentum of President Duterte’s war against drugs, criminality and corruption,” ayon kay Angara.

Napag-alaman ni Angara na halos 95 percen­t ng personnel ng Philippin­e National Police (PNP) ang ipapakalat para sa barangay at SK elections imbes na tumulong sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Nauna rito ay binigyan ng taning ng Commission on Elections (Comelec) ang Kamara at Senado na kailangang aprubahan o kahit man lang magkaroon ng consensus ngayong Agosto 31 sa panukala sa postponement ng barangay at SK elections upang sa gayon ay maipatigil na nila ang pag-imprenta ng balota para sa Oktober elections.