Postponement ng SK at bgy. election ipipilit

Ipipilit ng liderato­ ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagpali­ban ang eleksyon sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Oktubre upang hindi ma-delay ang pag-appoint ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ng kanyang mga appointees sa executive branch.

Sa press briefing sa Kamara, sinabi ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na made-delay ang mga appointment at hindi rin maaa­ring magtanggal ng mga tao sa gobyerno si Duterte kapag natuloy ang barangay at SK election.

“Considering na marami pang kinakaila­ngang appointments na gagawin ang executive branch, hindi pa sila natatapos dun sa screening process nila, sa tingin ko practical lang na ipagpaliban muna natin ang eleksyon,” ani Alvarez.

Base sa batas, hindi maaaring mag-appoint o magtanggal ang Pangulo­ ng mga tao sa puwesto dalawang buwan bago­ ang araw ng halalan at ayaw umano ng administrasyon na magkaroon ng delay sa pagtatalaga ni Duterte ng kanyang mga appointees.

“Dahil alam po natin­ lahat na kapag may eleksyon ay hindi pupuwedeng mag-appoint at magtanggal ng mga nasa posisyon,” ayon pa kay Alvarez.

Unang itinakda ang barangay at SK election sa Oktubre 24, 2016 at bagama’t halos dalawan­g buwan na lamang ang natitira ay sinabi ni ­Alvarez na kayang magpasa ng resolusyon o batas ang Kongreso.

“Kaya pa, mahaba pa ‘yan, may oras pa,” ani Alvarez dahil sa susunod na buwan ay ipaprayoridad na, aniya, ito ng Kongreso.

Sa ngayon ay nagha­handa na ang Commission on Elections (Comelec) tulad ng pagpapaimprenta ng balota suba­lit ayon kay House committee on suffrage and electoral reform chairman Sherwin Tugna ay hindi­ naman umano masa­sayang ang mga papel.

Maaari, aniya, itong i-­recycle para magamit muli sa susunod na eleksyon.