Pot session sa QC: 15 bahay naabo

Labinlimang bahay sa barangay­ Gulod, Novaliches, Quezon City ang naabo sa sunog na sinasabing nagsimula sa pot session ng limang lalaking adik sa shabu, nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection, nabatid na nasa 45 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog na sumiklab dakong alas-nuwebe ng gabi.

Ayon sa isang residente sa lugar na humiling na huwag ng banggitin ang kanyang pangalan­ para sa kanyang seguridad, may limang lalaki umanong gumagamit ng droga sa bahay na pinagmulan ng sunog.

Gayunman, nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng BFP hinggil sa pahayag ng nasabing residente na pot session ang sanhi ng sunog.
Napag-alaman na walang suplay ng kuryente sa lugar kung saan nangyari ang sunog kaya ang hinala naman ng iba ay posibleng kandila ang pinagmulan ng apoy.

Mahigit isang oras din tumagal ang sunog at umabot sa ikalimang alarma bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero.

Pawang gawa sa kahoy at iba pang light material ang mga nasunog na tahanan.
Wala namang iniulat na nasaktan sa sunog na idineklarang fire out na dakong alas-10:30 ng gabi.

20 pamilya nasunugan sa Maynila

May 20 pamilya naman ang nawalan din ng tahanan nang sumiklab ang sunog sa Gen. Luna St., Paco, Maynila nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa Manila Fire Bureau, nagsimula ang sunog dakong alas-sais ng umaga sa bahay ng isang Edna Bulatao na umabot sa ikalawang alarma.

Mabilis umanong kumalat ang apoy sa lugar dahil karamihan ng bahay na nadilaan ng apoy ay pawang gawa sa mga materyal na madaling masunog.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasugatan sa sunog maliban sa isang babae na sinasabing hinimatay sa kasagsagan ng pagsiklab ng apoy.

Idineklarang fire out na ang sunog dakong alas-7:10 ng umaga at batay sa mga arson investigator, nasa P50,000 halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy.

Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog. (Dolly ­Cabreza/Juliet de Loza-­Cudia)