Kahit walang certified superstars, nagawang sorpresahin ng Power Smashers ang defending champion Pocari Sweat 25-9, 25-22, 25-23 sa pangalawang laro sa opening day ng Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan kagabi.
Nang kumaripas sa opening set, hindi na nagpasindak ang Power Smashers bago sinalag ang tangkang rally ng Lady Warriors sa second at third.
Nagtulong sina Regine Arocha, Jovelyn Prado at Dimdim Pacres ang kumana ng clutch plays para sa Power Smashers.
Tumapos si Arocha ng 12 points, may 11 si Prado at naka-10 hits si power-hitting Pacres.
Pinangunahan ng 12 points ni Jeannette Panaga ang defending champions, may 10 si Myla Pablo.
Sa opening game, nagkakahiyaan pa sa umpisa ang BaliPure pero nang makuha ang ritmo ay bumalikwas para itarak ang 21-25, 25-19, 25-19, 25-21 panalo laban sa Air Force.
Nag-init sa second frame si Grethcel Soltones para pangunahan ang atake ng Purest Water Defenders, pero ang surprise package ni coach Roger Gorayeb ay si Jerrili Malabanan na nagpakawala ng 12 hits, panghuli ang nagselyo sa panalo matapos ang 1 hour, 34 minutes sa torneo na suportado ng Asics at Mikasa at inorganisa ng Sports Vision.
Tumapos si Soltones ng 16 points mula sa 14 kills, may 12 pa si Risa Sato. Pero si Malabanan ang nagbigay ng enerhiya off the bench sa BaliPure.
“She was not even in the first six,” komento ni Gorayeb hinggil sa FEU mainstay na si Malabanan na lumaki sa US. “But I think she can be a starter. She proved effective.”