Napasakamay ng Power Smashers ang second outright semifinals matapos silatin ang league-leading BaliPure, 25-20, 25-23, 25-19, kahapon sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Tinulungan ang PS ng Creamline na tinumba ang Perlas, 25-19, 25-20, 23-25, 25-14, kinagabihan sa torneo na binabalangkas ng Sports Vision Management Group, Inc.
May identical 6-4 slates ang Power Smashers at defending champion Pocari Sweat na nasilat ng Philippine Air Force sa unang laro, 25-19, 24-26, 25-27, 25-21, 15-6.
Pero nakaungos ang una sa Lady Warriors via higher ratio point.
Noong Martes pa naharbat ng league leader BaliPure ang semis bonus kaya walang saysay na maski dumausdos ang baraha sa 7-3. May 3-6 ang Cool Smashers.
Kumana si Thai import Kannika Tipachot ng 19 points para sa Power Smashers habang mag-ambag sina Thai reinforcement Hyapa Amporn at local ace Jovielyn Prado ng tig-10 puntos.
“Pinaliwanag ko ang kahalagahan ng laban namin sa BaliPure kung gusto nilang pumasok kailangan magtrabaho sila,” pahayag ni Power Smashers coach Nes Pamilar.
Maglalaban na lang ang Pocari, Power Smashers, Creamline at Philippine Air Force sa round robin quarterfinals para sa dalawang semis slots pa.