Powers ni Quiboloy wa epek sa FBI

Hindi umubra ang taglay na ‘powers’ o kapangyarihan ni Pastor Apollo Quiboloy na sinasabing may kakayahang magpa-stop ng lindol o bagyo, makaraang a­restuhin ang tatlong church administrator ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name (KOJC) sa magkakahiwalay na raid na isinagawa ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Glandale, Van Nuys at Los Angeles sa California, USA.

Nabunyag din na umabot sa halos 20 milyong dolyar ang umano’y nakulimbat ng simbahan ni Quiboloy mula sa mga solicitation mula taong 2014 hanggang 2019.

Kinilala ang mga nadakip na sina Marissa Duenas, 41-anyos, Amanda Estopare 48 at Guia Cabac­tulan 59.

Matagal nang mino-monitor ng FBI ang aktibidad ng naturang grupo matapos na makatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa human trafficking activity na ginagawa umano KOJC.

Ayon sa criminal complaint, 2013 umano nang magsimulang magpadala ng mga miyembro ang KOJC sa Amerika para sa isang musical event ng naturang simbahan pero pagdating sa Amerika ay ginagawa raw itong mga volunteer para manghingi ng pera sa iba-ibang lugar sa Amerika para umano sa mga mahihirap na kabataan sa Pilipinas.

Kinukumpiska ng pamunuan ng KOJC ang pasaporte ng mga ito at binibigyan ng quota sa kung magkano ang kailangan nilang malikom bawat araw.

Pinipeke rin daw ng naturang mga suspek ang mga dokumentong ibinibigay nito sa US immigration para makapag- stay ng matagal ang kanilang mga biktima.
Ginagawa din daw ng naturang mga suspek ang pagpeke sa kasal at pekeng enrollment sa school sa kanilang mga biktima para maging ligal ang kanilang status sa US immigration.

Sa record ng immigration, sa nakilipas na 20 taon ay may naitalang 82 kasal na sangkot ang mga opis­yal at mga full time worker na nangangalap ng donasyon.

“Bank record shows that KOJC accounts received approximately $20 million in cash deposit from 2014 through mid-2019 and most of these funds appear to derive from street level solicitation,” ayon sa affidavit.

Ang mga perang nakakalap ay ginagamit umano para makapamuhay nang marangya ang mga opisyal at galamay ng KOJC.

Si Cabactulan ang tumatayong pinakamataas na administrator ng KOJC sa buong Estados Unidos at may direktang kumunikasyon umano ito sa kanilang Pastor na si Apollo Quiboloy.

Batay pa sa criminal complaint, si Duenas umano ang pumepeke sa mga dokumentong isinusumite sa US immigration habang si Estopare naman ang in-charge sa mga nakokolektang pera.

Nakatakdang humarap sa korte bukas ang mga suspek.

Magugunita na noong 2018 kinuwestyon ng FBI si Pastor Quiboloy matapos na mahulihan ito ng $350.000 cash at mga piyesa ng mga baril sa kanyang private jet sa Hawaii.

Samantala, mabilis na dumistansiya ang Malacañang sa isyu ng pag-aresto sa tatlong tauhan ni Pastor Apollo Quiboloy sa Amerika dahil sa umano’y human trafficking.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung lehitimo ang ginawang pag-aresto sa tatlong Pilipino, walang dahilan para kuwestiyunin ito ng gobyerno.

Iginagalang aniya ng gobyerno ang batas ng ibang bansa, at kung mayroong batas na nalabag ang 3 Pinoy na inaresto, dapat lamang na sundin ang batas sa Amerika.

Ganito rin aniya dapat ang gawin ng Amerika, na dapat igalang ang batas ng Pilipinas.

“If the raid is legitimate then we cannot complaint on that.You must remember that if a crime is committed in any country, then the laws of that country will have to be followed. We have to respect them the way we asked them to respect ours,” ani Panelo.

Wala aniyang magagawa ang gobyerno, kahit pa matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lider ng mga ito na si Pastor Quiboloy.

Samantala, mariing pinabulaanan ng abogado ng Kingdom of Jesus Christ ang alegasyon na sangkot ang mga inarestong opisyal sa human trafficking.
“We are ready, able and willing to show and prove the innocence of the Kingdom,” ayon kay Atty. Israelito Torreon.

Sinabi pa nito na ang reklamo laban sa kanilang simbahan ay isang ‘grand conspiracy’ na gawa-gawa ng mga dating miyembro nila na may sama ng loob kay Pastor Quiboloy para ipahiya ito at ang Kingdom of Jesus Christ. (Dave Llavanes Jr./Aileen Tali­ping/Prince Golez)