Prankster sa food delivery: 12 taon kulong, P100K multa

Hinain ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. ang isang panukalang batas na magpaparusa sa mga indibiduwal na ugaling magkansela ng order sa mga food at grocery delivery service tulad ng GrabFood, FoodPanda at iba pa.

Sa ilalim ng House Bill 6958 o ang ‘Food and Grocery Delivery Services Protection Act’, bibigyang proteksyon ang mga rider at food delivery service company laban sa mga mahihilig manloko sa pamamagitan ng pagkansela ng mga order.

“Nais ng panukalang ito na protektahan ang mga rider ng food at delivery services companies katulad ng Grab Food, Lalafood, at Food Panda mula sa mga prankster at mga tao na basta basta na lamang nagka-cancel ng kanilang order na ang resulta ay ang pagkasayang sa oras at pagkawala ng puhunan ng mga riders,” ayon kay Garbin.

“Sa panahon ngayon, napakahalaga ng mga riders na nais nating proteksyonan. Sila ay masasabing mga bagong bayani sapagkat sila ay nakikipagsapalaran upang matulungan tayo na manatili sa tahanan at maiwasan ang COVID virus,” aniya pa.

Sa ilalim ng panukalang batas, magiging paglabag na ang pagkansela ng isang kustomer sa order na confirmed na o iyong mga nabayaran na ng rider at papunta na sa delivery address.

Exempted naman sa panukalang batas ang mga delivery na lampas na sa isang oras ng expected time of arrival, liban na lang kung naabisuhan ang customer sa delay.

Ang mga mapapatunayang lalabag dito ay pwedeng makulong ng anim hanggang 12 taon, gayundin ang multa na aabot sa P100,000.

Bukod pa dito ay kailangang i-reimburse ng nag-cancel na customer ang bayad sa delivery service provider na doble ang presyo.

Bukod pa dito, nakalagay din sa bill na kailangang i-reimburse ng mga delivery service provider ang binayad ng rider sa kinanselang order sa loob ng 24 oras, kapag nalabag ito ay pwedeng magmulta ng P5,000 ang kompanya.

Kasama rin sa panukalang batas ang paglalagay ng proof of identity o proof of billing ng mga customer para maiwasan na ang panggagantso.(RP/Eralyn Prado)