Sinaksak sa galit ng isang kostumer ang isang pick-up girl na apat na buwan buntis matapos na tumangging makipagtalik sa loob ng isang apartelle sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa report kay QCPD District Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng Cubao Police Station 7 under observation sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sanhi ng tinamong dalawang tama nang saksak sa tiyan at hita ang biktimang si Mary Jane Jimenez y Espina, 34, single, tubong Sorsogon at naninirahan sa No. 19-B. 1st Avenue, Brgy. West Crame ng nasabing lungsod.
Hindi naman nakatakas ang suspek na kinilalang si Danilo Yudadco y Mortalla, single, baker, tubong Calbayog, Western Samar, at naninirahan sa K-7th St., Brgy. West Kamias, Quezon City matapos na makahingi agad ng saklolo ang biktima.
Sa imbestigasyon ni PO3 Romeo Rimando Jr., may hawak ng kaso, nangyari ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa loob ng Room No.3 Kekwatog apartelle, Gen.Santos Ave., corner Aurora Blvd., Araneta Center, Brgy.Socorro, Cubao.
Ayon sa suspek, nagkasundo umano sila ng biktima na magcheck-in sa nasabing apartelle matapos siyang magbayad ng P300 para sa sandaling pakikipagtalik.
Subalit ayon kay PO3 Rimando, lumilitaw na habang nasa loob ng nasabing apartelle ay tumanggi na umano ang biktima na naging dahilan para magalit ito at pinagbantaan ang biktima na kung hindi ito makikipagtalik ay may masamang mangyayari.
Sa puntong ito ay nagtangkang tumakas ang biktima palabas ng kuwarto subalit mabilis siyang naharang ng suspek at bumunot ng balisong at inundayan ng saksak ang biktima.
Sa kabila ng mga tama ng saksak ay nakasigaw pa rin ng saklolo ang biktima na naging sanhi para marinig ng kanyang kaibigan na si Donna Miranda na naka-check-in sa kabilang kuwarto at sinaklolohan ang kaibigan.
Mabilis na humingi ng saklolo si Miranda sa pulisya at agad naman rumesponde sina PO1 Cesar Gacosta at PO1 Nicko John Salundaguit ng Cubao Police Station 7 kaya naaresto ang suspek at ngayon ay nahaharap sa kasong frustrated homicide.