Ipinagpaliban ng Supreme Court (SC) ang preliminary conference para sa poll protest na kinasasangkutan nina Vice President Leni Robredo at dating Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaugnay ng Mayo 2016 vice presidential polls.
Ipinasiya ng mga mahistrado sa ginanap na en banc session na mula sa dating petsang Hunyo 21 ay isasagawa na lamang ang preliminary conference sa Hulyo 11.
“This is without prejudice to tribunal’s resolution of all pending incidents,” ayon sa SC Public Information Office.
Sa naturang preliminary conference, inaasahang tatalakayin ng mga partido ang mga isyu na reresolbahin, listahan ng mga testigo, mga ebidensyang ipiprisinta, at schedule ng mga pagdinig at pagrebisa sa mga kinukwestiyong balota.
Inatasan din naman ng mataas na hukuman ang kampo nina Robredo at Marcos na magsumite ng preliminary conference briefs sa hukuman at bigyan ng kopya nito ang bawat partido, limang araw bago ang petsa ng kumperensya.