Preparasyon ng Team ‘Pinas susulitin ni Guiao ‘ Di papadehado

Uumpisahan na agad ni coach Yeng Guiao ang preparasyon ng National team pool higit tatlong linggo bago ang fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Ang pagbuo ng 20-man pool ang first order of business ni Guiao matapos opisyal na nombrahan ng Sama­hang Basketbol ng Pilipinas bilang head coach ng National team.

Martes ay inihayag ni Guiao ang bubuo sa pool na inaprubahan ng SBP at PBA.

Sa una ay Lunes, Miyerkoles at Biyernes muna ang ensayo, magiging araw-araw kapag itinigil ng PBA ang hostilidad sa Governors Cup.

Plano ng liga ng mag-break mula Nov. 17 para bigyang-daan ang preparasyon ng Nationals hanggang sa mga laro.

Home games sa MOA Arena ang dalawang laro ng Pilipinas, kontra Kazakhstan sa Nov. 30 at laban sa Iran sa Dec. 3.

Bahagi ng preparasyon ng Team Pilipinas ang scrimmages kontra Jordan sa Nov. 19 at 21, at vs. Lebanon sa Nov. 23 at 25 sa Meralco gym.

“Good for us, at least we won’t have to spend money to go abroad and play tuneup games,” ani Guiao.

Kabilang sa pool sina returning Jayson Castro at Troy Rosario, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, June Mar Fajardo, Gabe Norwood, Beau Belga, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Ian Sangalang, Paul Lee, Poy Erram, Matthew Wright, Scottie Thompson, newcomers LA Tenorio at Arwind Santos.

Isinahog din sina cadets Ricci Rivero at Kai Sotto. Naturalized players sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle.