Pres. Duterte hinamon sa bank accounts

Hinamon ni Magdalo Rep. Gary Alejano si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang lahat ng bank accounts nito.

Kakawing ito ng pahayag ng Pangulo sa State of the Nation Address (SONA) nito na isusulong ng administrasyon ang pagpapaluwag sa Bank Secrecy Law.

Ayon kay Alejano, suportado niya ang inisya­tibong ito ng presidente pero mas maganda kung makikita ito ng publiko mula sa pangulo lalo pa at naging kontrobersiyal ang isyu ng mga deposito nito sa bangko noong eleksiyon.

Hanggang ngayon, ani Alejano, hindi pa rin nabubura ang isyu sa bank accounts ni Duterte kaya mas nararapat na makita ng publiko na leading by example ang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“The President should have demonstrated it himself given that the issue on his hidden bank accounts in BPI was not dispelled, and that he should have led as an example,” ani Alejano.

Matatandaan na sa naging alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV sa kasagsagan ng kampanya sinabi nito na mahigit P200 milyon umano ang pumasok sa BPI account ni Duterte. Pero nag­labas ng sertipikasyon mula sa BPI ang Pangulo na nagpapatunay na mahigit P17,000 na lamang ang natitirang laman ng kanyang account.