Nagkasundo ang mga opisyales ng Palasyo ng Malacañang na hintayin munang matapos ng Senado ang isinasagawang imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJK) bago sagutin ang mga alegasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Antayin ho natin muna ‘yung kabuuan, ‘yung buod ng sasabihin ng testigo po ng senadora (Leila de Lima) bago po tayo magre-react,” pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar bilang tugon sa kung ano ang reaksyon ng Palasyo sa mga ibinabatong akusasyon kay Pangulong Duterte.
“Hindi po tayo sasagot nang basta-basta. Sasagot po tayo ng isang komprehensibong sagot,” dagdag ng PCO chief.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ang pananaw ng gobyerno ay hindi magbabago dahil mananaig ang political will ni Pangulong Duterte na makamit ang mga hangarin para sa ikabubuti ng bansa.
“I believe, as in all cases, all citizens should maintain a sense of sobriety, and maintain the sense of objectivity,” pahayag pa ni Abella.