Nasawi sa loob ng kulungan ang isang preso sa Biñan City, Laguna Huwebes ng umaga.

Kinilala ang nasawing inmate na si Miguelito Aureada, 47-anyos, tubong-Quezon province at nakatira sa Dasmariñas, Cavite.

Batay sa report ng Biñan City Police, alas-siyete ng umaga nang makita si Aureada na tila hindi na humihinga mula sa kanyang pagkakahiga sa loob ng kanyang selda.

Agad itong isinugod sa Ospital ng Biñan subalit ideneklara na itong patay ng doktor. Ayon sa pagsusuri ng doktor, heart attack ang ikinamatay ng biktima.

Ang biktima ay nakulong sa Biñan Custodial facility mula pa noong Agosto 26, 2018 dahil sa kasong rape.

Noong nakaraang mga taon, isa ang Biñan Custodial facility sa may pinakamaraming nasawi na inmate dahil iba’t ibang karamdaman bunsod umano sa overcrwoded at sobra-sobrang bilang ng mga nakakulong doon. (Ronilo Dagos)