Preso na dinala sa ospital tumakas

Nagsagawa na ng malawakang pagtugis ang pulisya sa isang tumakas na preso na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga makaraang pumuslit sa pinagdalhang pagamutan sanhi ng mataas na lagnat dulot ng pigsa sa Taguig City Biyernes ng umaga.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/Col. Emmanuel Peralta, isinugod noon pang Abril 2 sa Taguig-Pateros District Hospital si Christopher Tyrone Ramirez, 45, makaraang dumaing ng mataas na lagnat at pananakit ng dalawang binti matapos tubuan ng pigsa sa loob ng detention facility.

Si Ramirez ay nadakip ng pulisya noong Marso 27 matapos masangkot sa iligal na droga at pansamantalang ipiniit sa Taguig Police Custodial Facility Section makaraang sampahan ng kaukulang kaso.

Dakong alas-neube Biyernes ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Sub Staion 1 ng Taguig Police sa tauhan ng pagamutan upang ipabatid ang pagkawala ni Ramirez sa ward.

Kaagad na nagtalaga si Taguig police chief P/Col. Celso Rodriguez ng mga tauhan ng Custodial Facility sa ibinigay na tirahan ng suspek sa Brgy. Tuktukan subalit wala umano doon ang detenido.

Bumuo rin ng Tracker Team ang Intelligence Section ng pulisya na nagsagawa ng malawakang pagtugis kay Ramirez at pakikipag-ugnayan sa kalapit na mga barangay upang makakuha ng impormasyon sa agarang ikadarakip ng suspek subalit hanggang sa kasalukuyan ay bigo pa rin ang mga awtoridad. (Edison Reyes)