Preso na may sakit sa bato, dedo

Patay ang isang 44-anyos na detainee na may kasong act of lascivousness matapos lumala ang iniindang sakit sa bato habang nakakulong sa Manila Police District-Police Station 2 kamakalawa nang gabi sa Tondo, Maynila.

Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC), ang biktimang si David Akmad, taga-Estero de Magdalena St., Tondo.

Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Rodel Benitez, ng Manila Police District-homicide section, isinugod umano sa pagamutan ang biktima dakong alas-siyete nang gabi matapos makita ng kanyang mga kasamahan na nahihirapan itong huminga.

Nalaman na si Akmad ay inaresto noong Mayo 20 dahil sa reklamong pangmomolestiya ni Anna Marie Castro, 28, waitress, at taga-No. 941 Kusangloob St. Sta. Cruz, Maynila.

Nabatid na ang biktima ay may iniindang chronic kidney disease.
Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ang biktima na posibleng pinahirapan o sinaktan ito kaya nasawi.

Dinala ang bangkay sa Archangel Funeral para sa awtopsiya at safekeeping. (Juliet de Loza-Cudia)